MGA MAKASAYSAYANG TAHANAN NG TAAL

MGA MAKASAYSAYANG TAHANAN NG TAAL

 

 

Source: http://www.abante.com.ph/issue/may2412/istayl_bc.htm

Patuloy pa rin kami sa pamamasyal sa mga bayan ng Luzon na kayang-kayang ikutin ng maghapon. Ang bayan ng Taal, Batangas ay naiiba sa marami sa Pilipinas dahil hindi siya napinsala ng mga giyera ng rebolusyon kontra España, at Amerikano. Dahil dito, napakaraming lumang bahay ang naiwang nakatayo sa Taal na ngayo’y itinuturing Heritage Homes.
Madalas kaming magawi sa Taal. Naalala namin ‘yung unang beses nang nag-imbita ang pamilya Ernie at Ria Villavicencio na kaibigan ng pintor na si Tito Estrada; ang ikalawa ay sa pakikipag-ugnaya­n ni Mimi Noble na Taaleño at miyembro ng WIT (Wome­n in Travel); at ang ikatlo ay upang mapanood ang dulang Birhen ng Caysasay ni direktor Nestor Torre sa suporta ng dalawa pang bantog na Taaleño, ang sikat na eskultor na si Ramon Orlina, at Ogie Alcasid na lumabas sa dula.
Maliban pa sa mga ito, ang Taal ay bayan rin ni Tony Boy Alcasid, isang rural banker; si Marcela Agon­cillo na siyang nanahi ng unang Philippine Flag; si Antonio de las Alas, pensiyonadong aral sa Yale sa ilalim ni Gov. General Harrison noong 1919, hanggang sa pamilya ni Ambrosio Padilla, mga Lontok, ang Concepcion group of Companies, mga Rufino, Noble, Alcasid, at Tankeh.


Ang bahay ng angkan ni Villavicencio ay iisa lamang sa pinakaakit-akit sa bayan, lalo na’t inasikasong i-restore ito ni Ria sa dati nitong kagandahan. Ang mansiyon ay itinayo noong 19th century at ma­liban sa nagsisilbing sigasig ng ating makulay na nakaraan, ay nagiging tourist attraction sa dumaraming bisita sa ating bansa. Si Ernie ay nagtayo ng T.A.A.L (Taal Active Alliance Legion) ng mga Taaleño.
Si Tony Boy Alcasid, isang rural banker sa Taal at nakatatandang kapatid ni Ogie Alcasid ang siyang namamahala sa popular na Casa Conchita kung saan makabibili ng mara­ming magagandang souvenir na gawa sa Taal. Ayon kay Tony Boy, ibig nilang ibalik sa uso ang mga katu­tubong gawa sa kamay, lalo na ang pagdibuho, at ang callado.
Mula sa Casa Conchita ay pinuntahan namin ang 17th century na bahay ni Marcela Agoncillo at asawang Felipe Agoncillo. Si Felipe ay may mataas na tungkulin kay Emilio Aguinaldo, habang si Marcela ay sumikat bilang siyang tumahi ng unang watawat ng bansang Pilipino. Ayon sa kasaysayan, si Aguinaldo ay kasalukuyang naka-exile sa Hong Kong sa 535 Morrison Hill noong pinakiusapan si Marcela na gawin ang watawat. Natapos ito sa kamay pagkaraan ng limang araw, na siyang dinala ni Aguinaldo sa Pilipinas at siyang iniladlad sa balkon ng bahay niya sa Cavite.
Binisita namin ang bahay ni Marcela sa Taal na itinayo ng lolo ni Marcela na si Andres Marino sa kalye M.N. Agoncillo. Sa pagkamatay ng huling anak ni Marcela na namatay noong 1995 sa edad 95, ay inigawad ang bahay sa National Historical Commission na ngayo’y namamahala sa kanyang maintenance. Ang bahay na bato ay isa ng museo na sinasabing pinakamatanda sa Taal.
Pagpasok sa bahay ay merong eskultura sa semento at marmol na ipinapakita ang pananahi ng watawat. Sa hardin sa tabi ng bahay ay isang istatwa ni Marcela na hawak ang watawat na gawa ng batikang si Florante Caido. Ang silid-aklatan ay may mga libro sa Tagalog, Ingles, at Pranses, mga larawan ng pamilya at si Marcela at Felipe, isang sala kung saan naghalo ang mga gamit na Viennese Brentwood, Louie XV at Carlos XIII, dalawang kwartong ginawang oratorio, at isang basement na naka-display ang iba’t ibang watawat na ginamit sa rebolusyon.
Ang kalamangan ng bahay na ito ay dahil laging merong naninirahang miyembro ng pamilya hanggang 1995 ay hindi kailangan ang malaking maintenance. Laging maraming estudyante at bisita galing Maynila sa bahay ni Marcela. Mula sa azotea ay matatanaw ang ilog ng Pansipit at ang mga kalapit barangay.